-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sa loob ng 18 taon na pamumuhay, sinasabing hindi nakatikim ng inuming tubig ang isang dalaga sa Brgy. Calacabian, Libacao, Aklan.

Ayon sa kaniyang ina na si Linda Nabiong, simula ng iniluwal ang bata ay hindi umano ito nakaramdam ng pagkauhaw.

Kung pilitin aniya itong painumin ng tubig ay kaniya ring isinusuka ang lahat ng kaniyang kinain.

Dagdag pa ng ginang na isinilang niya ang dalaga na isang special child, kung saan, malambot ang mga bahagi ng katawan nito at pawang mga gulay lamang ang kaniyang kinakain.

Naniniwala ang ginang na dahil sa kaniyang pagkahilig sa malalambot na hipon at alimango habang nagbubuntis kung kaya’t nagkaganyan ang kaniyang anak.

Ang dalaga ay pang-anim sa pitong magkakapatid kung saan, palagi na lamang siyang nakaupo o nakahiga dahil malalambot ang mga paa nito bagay na hindi siya makatayo.