Patuloy na hinihimok ng isang eksperto ang publiko kaugnay sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Ito ay sa kabila ng mga naunang naging pag-aaral na hindi umano tatablan ng mga bakuna ang bagong Omicron variant ng COVID-19.
Sinabi ni Dr. Rontgene Solante, ang head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine unit ng San Lazaro Hospital, na nagsisilbing ‘reservoir’ para sa mas mabilis na pagkalat ng virus ang mga hindi pa bakunadong mga indibidwal dahil hindi aniya nagtataglay ng sapat na mga antibodies ang mga ito.
Ito aniya ang kahalagahan kung bakit kinakailangan na mabakunahan ang lahat, lalo na sa mga hindi pa bakunadong mamamayan dahil ang pagkalat ng nasabing virus ay magaganap lamang aniya sa mga hindi pa nababakunahan at mga immunocompromised.
Binigyang diin din ni Solante, na ang pagprotekta sa mas malaking bilang ng populasyon mula sa virus ay nangangahulugan ng mas mababang bilang ng hospitalization at paggamit ng mga ICU sa bansa sa tulong ng mga COVID-19 vaccines.
Magugunita na una nang nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng apat na mga kaso ng bagong Omicron variant sa bansa.
Kamakailan lang ay iniulat din ng ahensya na nakapagtala ito ng nasa 889 na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na nagsisilbing pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso nito sa loob lamang ng isang buwan.