-- Advertisements --

Binatikos ng isang grupo ng mga magsasaka ang Department of Agriculture (DA) hinggil sa umano’y nagpapatuloy na smuggling ng mga gulay at iba pang produktong pang-agrikultura.

Sinabi ng dating kalihim ng Department of Agrarian Reform at ngayon ay ang Anakpawis party-list national chairman Rafael Mariano na matapos ang halos isang taon na paglikha ng pamahalaan ng anti-smuggling task force upang pigilan ang talamak na pagpasok ng mga kontrabandong pang-agrikultura sa bansa ay lumalabas pa rin na tila nananatiling mahina, at wala pa rin itong kabuluhan.

Ang pagdagsa kasi aniya ng mga smuggled na produktong pang-agrikultura ay nagpapatuloy sa loob ng maraming taon, kasabay ng kahilingan ng mga kababayan nating mga magsasaka na matugunan ang bantang ito sa kanilang kabuhayan.

Paliwanag ni Mariano, ang naturang iligal na pagpupuslit kasi ng mga gulay ay ang dahilan kung bakit bumababa ang presyo ng farm gate na nagtutulak naman sa libu-libong mga magsasaka na mabangkarote o ma-bangkrupt.

Kung kaya’t karapat-dapat lang aniya na makatanggap ng paliwanag mula sa pamahalaan ang mga magsasaka hinggil dito.

Isa aniya sa kaniyang nakikitang paraan ay ang pagtanggal sa liberalisasyon sa mga patakaran sa kalakalan dahil ang smuggling aniya ay itinuturing na kabilang sa negatibong epekto ng liberized flow ng imported agri-fishery products sa bansa.

Magugunita na noong Mayo noong nakaraang taon ay inilunsad ng pamahalaan, sa pinagsanib pwersang pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang Sub-Task Group on Economic Intelligence upang pigilan ang mag smuggled agricultural products na makapasok sa bansa.