-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Isang magandang bagay ang paghahain ni Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 57 taon na ang nakalipas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Noreen Barber, isang guro at Founding Chairman ng Trans Society of the Philippines, sinabi nito na ang nasabing hakbangin mula sa Senador ay nagpapakita ng pagnanais nitong gawing mas palawigin at mas kapaki-pakinabang nsa mga guro.

Aniya na nakasaad sa ilalim ng mga amendments ng naturang bill ay ang mga benepisyo gaya ng Calamity Benefit na nararapat lamang maibigay sa mga guro lalong lalo na ang mga nasalanta ng kalamidad at sakuna para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Isa ring magandang bagay ang matatanggap nilang Educational Benefit hindi lamang sa mga guro na nais makapag-aral o tumaas ang ranggo kundi para sa mga anak din nito at gayon na rin ang iba pang benepisyo na makukuha nila sa haba ng mga taong inilaan nila sa serbisyo.

Maliban pa dito ay mayroon din silang benepisyo na Hardship Allowance na nakalaan naman para sa mga guro na nagtuturo sa malalaong mga lugar, habang maganda namang benepisyo ang Criteria for Better Salary kung saan ay may nakasaad na criterion na maaaring gamitin sa pagpapasahod sa mga guro.

Bukod pa sa mga ito ay mayroon ding tinatawag na Protection for Teachers mula sa Out-of-the-Pocket Expenses o pagbunot ng mga guro ng pera mula sa sarili nilang bulsa upang punan ang mga pangangailangan sa loob ng silid-aralan.

Dagdag pa nito na isa rin sa mga ninanais na matugunan ng naturang Senate Bill ay ang pagpapatupad ng 6 na oras na trabaho ng mga guro, kabilang na ang overtime pay para sa mga oras na ginugugol nila sa labas ng paaralan.