Isa ang patay habang nasa mahigit 20 ang sugatan sa nangyaring aksidente sa bayan ng Orani sa lalawigan ng Bataan.
Ito ay matapos na mahulog sa bangin ang isang service bus ng Department of Education na may sakay na 48 katao na karamihan ay mga guro sa pampublikong paaralan, at kabilang na rin ang driver naturang bus at kahalinhinan nito.
Ayon sa Schools Division Office ng Quezon City, pauwi na sana sa lungsod ang mga gurong lulan ng nasabing bus mula sa isang seminar na ginanap sa isang resort sa Orani nang mawalan ito ng preno habang tinatahak ang pakurbang bahagi ng kalsada at aksidenteng mahulog sa bangin na may lalim na 60 metro sa Sitio Butatero sa Barangay Tala.
Idineklarang dead on arrival sa Orani District Hospital ang isa sa mga pasaherong sakay nito na kinilalang guro mula sa Payatas B Elementary School matapos itong magtamo ng malalang pinsala nang maipit sa mga sangay ng puno.
Agad naman na isinugod sa kalapit na mga pagamutan ang iba pang mga biktima para sa kanilang treatment habang 18 mga pasahero naman ang binigyan ng psychological first aid at stress debriefing dahil sa naturang pangyayari.
Samantala, sa isang pahayag ay sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ikinalulungkot nito ang naturang insidente at handa rin anila itong tulungan ang mga biktima, kasabay ito ng kanilang pagkumpirma na ang naaksidenteng bus ay isa sa tatlong bus na kanilang donasyon sa Schools Division Office noong taong 2016.