DAVAO CITY – Patay ang isang high-rank New People’s Army (NPA) leader sa isinagawang inter-agency law enforcement operation sa Brgy. Kapatagan, Laak, Compostela Valley.
Kinilala ang nasabing lider sa NPA na si Marjun Taba alyas “Hiker”, Deputy Secretary sa CPP-NPA Sub-regional Committee 4, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).
Patay si alyas Hiker matapos manlaban nang arestuhin sana ng mga tauhan mula sa 10th Infantry Division at mga tauhan ng PNP Laak na magsisilbi sana sa anim na mga warrant of arrest para sa kasong murder, attempted murder, rebellion, serious illegal detention, double murder at double frustrated murder laban sa nasabing NPA leader sa loob ng kanyang safe house sa nasabing barangay.
Inihayag ni Lt. General Felimon T. Santos Jr., Commander ng Eastern Mindanao Command sinikap ng local government units (LGUs), pamilya ng nasabing lider at ng 1001st Infantry Brigade para sa kanyang mapayapang pagsuko subalit nagmatigas ito.
Narekober sa encounter site ang bangkay ni alyas Hiker pati na rin ang calibre .45 na baril nito at dalawang International Humanitarian Law banned anti-personnel land mine.
Nabatid na si Hiker ang ika-34 na High Value Individual NPA ang napatay nitong taon.