LAOAG CITY – Binigyang diin ni Human Rights Advocate Atty. Chel Diokno na mas mainam na harapin ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy ang mga kasong nasampa laban sa kanya upang hindi na madamay pa ang kanyang mga followers.
Ito’y matapos na mayroong naitalang nasugatan sa naging operasyon sa compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City.
Ayon kay Diokno, kung walang kasalanan si Quiboloy ay dapat na kaharapin ang kanyang mga kaso.
Dagdag pa nito na kahit may kaugnayan ang isyu ng nasabing pastor kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi maikakaila na matagal na ang mga kasong naipila laban sa kanya.
Nilinaw din nito na hindi dapat kwestyunin ang hanay ng Philippine National Police dahil sumusunod lamang ang mga ito sa ipinag uutos ngunit kailangan paring gawin ang nararapat alinsunod sa mga umiiral na batas.
Dapat din umanong kilalanin kung ano ang nakapaloob sa batas para sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay Diokno na kung mayroon search warrant ay maaring maghalughog kahit pa sa loob ng simbahan ngunit maikokonsiderang unlawful kung sakaling may mga masasaktan sa pagsasagawa ng search warrant operation.
Samantala, sinabi rin nito na importante parin sa hanay ng kapulisan ang pagkakaroon ng body camera para malaman kung tama rin ang pagpapatupad ng arrest warrant.