LAOAG CITY – Kinilala bilang first-ever Filipino na nagkampeon sa Red Bull Basement World Championship si Mr. Aldrin Sojourner “Soj” Gamayon, residente ng bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ang Red Bull Basement ay isang pandaigdigang kumpetisyon sa Tokyo, Japan kung saan ipinakita ng mga young innovators ang kanilang business plans upang mapaunlad ang mundo sa pamamagitan ng artificial intelligence.
Ayon kay Gamayon, mayroong 110,000 na ideya mula sa 40 bansa sa buong mundo kabilang ang United States at Europe ang kanyang kinatunggali.
Sinabi niya na napanalunan niya ang pagkilala para sa kanyang pagbuo ng “AgriConnect” na isang agriculture tracking app na tumutulong sa mga magsasaka na subaybayan ang kanilang mga pananim kahit sila ay malayo at upang madagdagan ang kanilang mga ani.
Ipinaliwanag ng Ateneo University student na ang kanyang inspirasyon ay ang kanyang pamilya sa pagsasaka ng palay.
Idinagdag niya na hindi niya inaasahan na siya ang mananalo sa nasabing international competition.