LAOAG CITY – Sinabi ni Senior Fire Officer 2 Augustus Ebina, Chief Operations ng Bureau of Fire Protection sa Batac City, Ilocos Norte na iniimbestigahan pa ang sunog na nangyari sa 2-storey residential house iti Brgy. 1, Ricarte sa nasabing lungsod.
Aniya, nakikipag-usap pa sila sa kinauukulang pamilya ng mga biktima para makakuha ng karagdagang detalye sa insidente.
Hindi pa nila matukoy ang sanhi ng sunog kabilang ang kabuuang halaga ng mga nasirang gamit sa loob ng bahay ng mga biktima.
Sabi nito na may dalawang pamilya at 15 indibidwal ang nakatira sa bahay na gawa lamang sa light materials sa ikalawang palapag nito na naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Kaugnay nito, ayon kay Gng. Carmelita Parbo, isa sa mga nakatira sa nasunog na bahay na nabigla sila nang marinig ang sigaw ng mga kalapit na residente na may nasusunog.
Dahil dito, nakaramdam daw siya ng kaba habang umiiyak at tumakbo para humingi ng tulong sa mga tao.
Ibinunyag niya na paglabas niya sa kanilang bahay ay malaki na ang apoy at makapal ang usok.
Paliwanag niya, dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy,may nahulog na debris na tumama sa isa niyang kasama sa bahay na nagresulta sa kanyang sugat sa braso.
Samantala, humihingi naman ng tulong sa publiko ang mga kinauukulang pamilya lalo na’t wala naman silang nailigtas dahil sa sunog.
Nauna rito, anim na firetruck ang nagtulungan upang agad na maapula ang malaking sunog kung saan apat na firetruck ang ginamit mula sa Batac City, isa mula sa bayan ng San Nicolas at isa mula sa bayan ng Paoay.