Nagpositibo sa doping test ang isang Iraqi judoka o judo player na maglalaro sana sa Paris Olympics.
Ang naturang atleta ay kinilalang si Sajjad Sehen, 28 anyos at unang pagkakataon sana niyang sasabak sa pinakamalaking sports competition sa buong mundo.
Siya ay nagpositibo sa dalawang anabolic steroids(metandienone at boldenone).
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang naturang atleta habang inihahanda ang disciplinary case laban sa kanya.
Ayon sa International Testing Agency, ang ahensiyang nangangasiwa sa anti-doping program ng International Olympic Committee, hindi makakapaglaro, makakapag-compete, makakapagsanay, o mag-coach ang naturang atleta sa kasagsagan ng Olympics.
Si Sehen ay nakatakda sanang makipaglaban sa men’s 81 kilogram class simula sa susunod na linggo sa ilalim ng round of 32 at nakatakdang labanan ang pambato ng Uzbekistan.
Siya ang pinakaunang nagpositibo sa doping test ngayong Olympics.
Noong Tokyo Olympics, umabot sa anim na atleta ang nagpositibo sa illegal substance at tuluyang pinagbawalan ang mga ito na lumaban sa kani-kanilang sporting event.