-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Sarado ang isang kalsada sa bayan ng Luna sa Apayao dahil sa landslide.

Sinabi ni Jomar Bragas, MDDRMO officer ng Luna na natabunan ng lupa ang kalsada ng Marag Valley na mula sa bundok bunsod ng nararanasang mga pag-ulan.

Dahil dito, sinabi ni Bragas na apektado ang apat na barangay ng Luna na kinabibilangan ng Marag, Kagandungan, Kalabigan at administrative barangay na Kalalukay.

Sinabi ni Bragas na isasagawa ang clearing operation sa lugar kung titigil na ang pag-ulan.

Samantala, isinailalim sa preemptive evacuation ang nasa 50 pamilya na binubuo ng 150 katao sa Brgy Gattu, Pamplona, Cagayan.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Nick Ranjo, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer na tumaas ang lebel ng tubig sa Pamplona river dahil sa mga pag-ulan sa probinsiya ng Apayao.

Ayon kay Ranjo buong araw na nakaranas ng pag-ulan ang lalawigan ng Apayao kung saan bumabagsak ang tubig sa bayan ng Pamplona at mga karatig bayan sa lalawigan ng Cagayan.

Maliban sa Barangay Gattu, inutos rin ng MDRRMO ang pagsasagawa ng preemptive evacuation sa ilan pang barangay na delikado sa pagbaha gaya ng Tupanna, Nagtupacan, Abbangkeruan, at Cabaggan.