LAOAG CITY – Patay si Barangay Captain Francisco Bagay Jr. matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang bakuran sa Barangay 5, sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang 45-anyos na kapitan at dinala sa Black Nazarene Hospital ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Ayon sa Closed-Circuit Television na naka-install malapit sa bahay ng pamilya Bagay, ang mga bumaril ay riding-in tandem na nakasakay ng asul na Yamaha Aerox.
Nakaupo sa loob ng kanyang bakuran ang kapitan nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek at lumilitaw na calibre 45 ang ginamit na baril base sa mga kapsula na nakuha sa pinangyarihan ng krimen.
Kaugnay nito, ikinalungkot naman ni Mayor Mike Hernando ang insidente ng kanyang tagasuporta na si Barangay Captain Bagay lalo pa’t wala itong alam na kaaway nito.
Sinabi ng alkalde na isa si Bagay sa kanyang pinakamalakas na tagasuporta mula nang magsimula siyang maglingkod sa publiko at bata pa sila ay magkasama na sila kaya tinuturing nilang magkapatid ang isa’t isa.
Wala umanong naiulat na napasaktan o nagreklamo laban sa kapitan kaya nalulungkot siya kung bakit nila ito pinatay.
Samantala, narelibuhan sa pwesto si P/Maj. Reginaldo Dalipias bilang Hepe ng San Nicolas Municipal Police Station dahil sa pangyayari.