Bumisita sa Pilipinas noong nakaraang buwan ang kilalang oceanographer at conservationist na si Dr. Sylvia Earle upang isulong ang proteksyon ng Verde Island Passage (VIP)—ang “center of the center” ng mundo ng marine shore fish biodiversity.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na personal na sumabak si Earle sa VIP kasama ang iba pang marine experts upang obserbahan ang kalagayan ng bantog na marine biodiversity hotspot.
Si Earle ay isang American oceanographer, scuba diver, at research scientist.
Si Earle rin ang unang babae na namuno sa National Oceanographic and Atmospheric Administration.
Sa kanyang pagbisita, nakipagkita din si Earle sa mga conservation partners upang bigyang-diin ang mahalagang ugnayan sa pagitan ng biodiversity conservation at climate action.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng karagatan sa pagkamit ng global climate goals.
Present sa pagpupulong sina United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, Senadora Loren Legarda, representatives mula sa University of the Philippines Marine Science Institute at De Lasalle University, non-government organizations, Conservation International Philippines, at Communities Organized for Resource Allocation.
Bukod dito, inilarawan ni Earle ang VIP bilang isang unique global treasure na may mataas na kahalagahan sa kasaysayan at exceptional biodiversity.