LAOAG CITY – Ibinunyag ni Mr. Eduardo Teodoro Ramos, Jr., isang Kolumnista ng The Ilocano Educator of Ilocos Sentinel, na may ilang hakbang na makakatulong sa mga estudyanteng Pilipino na mapabuti ang kanilang ranggo sa Creative Thinking Assessment ng Program for International Student Assessment (PISA).
Ito ay pagkatapos bumagsak sa ika-apat na pinakamababang pwesto ang Pilipinas sa global test for creative thinking na isinagawa ng PISA.
Dapat aniyang magsimula sa basic pagdating sa Math, Science at Reading dahil hindi inaasahang magiging malikhain ang mga bata kung hindi nila maintindihan kahit simple at maikling pangungusap;
o magsagawa ng simpleng mathematical operation.
Dagdag pa niya, dapat bigyan ng buong pagsasanay ang mga guro kung paano hikayatin ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral.
Kaugnay nito, iginiit ni Ramos na dapat hayaan ang mga bata at huwag sisihin sa pagkakamali dahil sa mundo ay walang perpekto. Sa halip, ang pinakamaganda ay ang pagsasaliksik ng mga guro upang malaman kung malikhain o hindi ang mga mag-aaral.
Pinayuhan din ni Ramos ang Kagawaran ng Edukasyon na tulungan ang mga guro na isipin na hindi lamang matataas na marka ang mahalaga, ngunit isa-alang-ala kung paano malulutas ng mga bata ang iba’t ibang problema.
Samantala, iginiit niya na mahalaga para sa mga guro na ganap na samahan ang mga bata sa anumang ginagawa nila, at payagan silang mag-explore dahil isa ito sa pinakamahalagang bagay na dapat matutunan ng isang mag-aaral.