-- Advertisements --

NAGA CITY – Dead-on-arrival ang isang indibidwal matapos ang nangyaring aksidente sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Roy Rufo Dela Cruz, 33 taong gulang, residente ng Brgy. Lutucan 1, sa nabanggit na probinsya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, personal aniyang nagtungo sa Sariaya Municipal Police Station ang mga drayber ng mga nasaging behikulo ng biktima na sina Carlito Almiranez Endrinal at Yolbert Guerrero Aguilar upang i-report ang nangyaring aksidente sa may Lutucan to Guis-Guis National Road na malapit sa Brgy Lutucan 1, Sariaya.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pansamantalang naka-park si Endrinal gamit ang isang Rusi Macho Tricycle sa shoulder portion ng nasabing daan nang ito’y aksidenteng mabangga at masagi ni Dela Cruz habang minamaneho nito ang isang Honda TMX na motor.

Dahil sa impact, natamaan din ni Dela Cruz ang isang Geely Emgrand Premium Sedan na minamaneho naman ni Aguilar, na patungo sana sa Brgy Guis-Guis.

Nag-oovertake umano si Dela Cruz kay Aguilar nang mangyari ang aksidente.

Dahil dito, nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Dela Cruz na agad naman sana na dinala sa ospital para sa tulong medikal ngunit idineklara rin lang naman itong dead-on-arrival ng doktor.

Sa ngayon, pinag-uusapan na ng mga sangkot na panig ang posibilidad ng isang amicable settlement.