-- Advertisements --

NAGA CITY-Patay ang isang lalake sa Sariaya, Quezon pagkatapos itong barilin habang natutulog.

Kinilala ang biktima na si Jayson Alzona, 37 anyos, residente ng Brgy. Sampaloc 2 ng nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ng tawag ang Sariaya Municipal Police Station galing sa Barangay Chairwoman ng Brgy. Sampaloc 2, kung saan may nangyaring insidente ng pamamaril sa lugar.

Kaagad naman na nagtungo ang personnel ng nabanggit na istasyon sa Brgy. Sampaloc 2 upang imbestigahan ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, alas 7:30 aniya ng gabi habang natutulog ang biktima sa bahay nito, nang binaril ito ng suspek sa kanyang batok, na kaagad nitong kinamatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na insidente.