NAGA CITY-Patay ang isang lalake sa Sariaya, Quezon pagkatapos itong barilin habang naglalakad pauwi.
Kinilala ang biktima na si alyas Reynaldo, residente ng Brgy. Lutucan Malabag ng nabanggit na bayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ng tawag ang Sariaya Municipal Police Station galing sa isang Barangay Kagawad ng Brgy. Lutucan Malabag na nagkaroon aniya ng insidente ng pambabaril sa Sitio Palomera ng nabanggit na barangay.
Alas 7:40 aniya kagabi, Mayo 3 nang naglalakad ang biktima pauwi sa kaniyang bahay nang bigla na lang itong binaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa kanyang katawan na kaagad nitong kinamatay.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na insidente.