NAGA CITY-Ninakawan ang isang lalake sa sarili nitong bahay sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si alyas Armando, 55 anyos, residente ng Brgy Tumbaga 1 Sariaya, Quezon, habang kinilala naman ang suspek na si alyas Bulag, 27 anyos, residente ng Brgy Masin Sur, Candelaria, ng kaparehong probinsya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na personal aniyang pumunta si Armando sa Sariaya Municipal Station upang i-report na naging biktima ito ng pagnanakaw.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, alas 2:27 aniya ng umaga kahapon habang tulog ang biktima kasama ang pamilya nito sa kanilang bahay sa kanilang private resort nang pwersahan aniyang binukasan ng suspek ang sliding window sa tapat ng kanilang bahay at patuloy nang ninakaw ang dalawang sling bag na mayroong laman na ₱125,000 Pesos, isang 9MM na Glock 17, Permit to Carry Firearms ID, LTOPF license, Driver’s license, Brgy Official ID, National ID, Voter’s Id at Landbank ATM.
Pagkatapos nito kaagad naman aniyang tumakas ang suspek papunta sa hindi pa nalalamang direksyon dala ang mga ninakaw nito.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.