TANJAY CITY – Palutang-lutang at patay na nang natagpuan kahapon,Marso 3, ang isang lalaki sa Sitio Odiogan, Barangay Novallas, Tanjay City, Negros Oriental.
Nakilala ang biktima na si alyas Rosito, 48 anyos, residente ng Saloy Bindoy.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Paul Paden, Deputy chief of Police ng Tanjay City PS, sinabi nitong iniulat na nawawala ang biktima noong Marso 1 pa lamang.
Naunang iniulat ng mga concerned citizen sa pulisya na may natagpuan na isang bangkay na palutang-lutang sa ilog at bloated na.
Sinabi pa ni Paden na sa kanilang imbestigasyon, wala naman umanong foul play na nakikita sa pagkamatay ng biktima at lumalabas sa eksaminasyon na Asphyxia secondary to drowning ang dahilan ng pagkamatay nito.
Idinagdag pa nito na maganda naman umano ang panahon ng mga nakalipas na araw at hindi naman binabaha sa lugar ngunit may kalaliman din ang ilog kung saan natagpuan ang bangkay.
Aniya, base sa kanilang background check ay sinabi pa ng kamag-anak ng biktima na mayroon pa umano itong problema sa pag-iisip.
Panawagan pa nito sa publiko na pag may obserbahan na hindi magandang kinikilos ang isang miyembro ng pamilya, mas maagap pa umanong bigyan ito ng mga payo at pag-usapan kung anuman ang problema bago pa maging huli ang lahat.