ROXAS CITY – Posibleng magkagulo sa isang estado sa Nigeria kasunod sa pagdeklara ng total lockdown ng gobernador ng River State, matapos tumaas ang bilang ng mga naapektuhan ng COVOD-19 sa bansa.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Edwin Pancho Fario Jr., ng Guimaras, Iloilo at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang construction site sa River State, Nigeria, sinabi nito hindi maiiwasan na magkaroon ng riot o gulo kung magtatagal ng isang linggo ang lockdown, dahil walang mapagkukunan ng pagkain ang mga tao matapos mawalan ng trabaho.
Ayon kay Fario na hindi katulad sa Pilipinas na may ibinibigay na tulong ang gobyerno sa mga tao kung magdeklara ng lockdown.
Sa Nigeria ay walang natatanggap na subsidiya ang mga tao mula sa gobyerno, kaya siguradong magugutom ang karamihan na mga local residents.
Hindi rin aniya naniniwala ang mga Nigerians sa coronavirus disease, dahil para sa kanila ay isa itong political tactic ng mga pulitiko para makapagsimula ng korupsyon.
Siniguro ni Fario na safe and sound silang mga trabahador sa loob ng construction site kung saan well provided sila sa pagkain at tubig ng kumpaniya.
Maliban dito ay may clinic rin sa loob ng site kung saan maari silang magpa-check-up.
Hindi rin sila basta makakalabas ng site, at kailangan nila ang escort na pulis dahil prone sa kidnapping ang mga foreign workers sa nasabing bansa.
Samantala nabatid na nag-order ng rapid testing kit sa Korea ang management ng kumpaniya para ma-check kung may nahawaan ng coronavirus disease na mga trabahador.
Sa ngayon ay umabot sa 3,000 ang kaso ng COVID-19 sa River State kung saan 21 ang nagpositibo sa nasabing sakit, 17 ang isinailalim sa quarantine at 2 ang patay.
Nabatid na ang River State ang isa sa 36 na estado ng Nigeria na itinuturing na sixth-most populous state sa bansang Nigeria.