-- Advertisements --

Sunog na sunog ng matagpuan ng mga otoridad ang bangkay ng isang lola kasama ng dalawang alagang aso at isang pusa matapos tupukin ng apoy ang bahay nito sa Brgy. Quinawegan, Buguey, Cagayan.

Sa panayam kay SFO4 Elpidio Pagalilauan Jr., ng BFP Buguey dakong 10:30 ng gabi ng Agosto 22 ng magsimula ang sunog ngunit pasado alas onse na ng itawag ito ng isang concern citizen sa kanilang himpilan dahil sa mahinang linya ng komunikasyon.

Kaugnay nito ay nagmadali na ang mga kagawad ng tagapamatay sunog at nadatnang tupok na ang bahay ni Ana Roxas, 74 anyos na residente sa nasabing lugar.

Batay sa imbestigasyon ay walang kasama sa bahay ang lola at nakita lamang ng kanyang apo na si Kate Ashley Roxas, 13 anyos na natutupok na ang bahay nito ng siya ay magising dahil sa mainit na simoy ng hangin at ng lumabas ay labis nitong ikinabahala nang makitang nasusunog na ang kongkretong bahay ng biktima.

Lumalabas na nagmula ang sunog sa nakasinding gasera na nakalagay sa altar at mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga packages sa loob ng kuwarto na naglalaman ng mga damit.

Hindi rin aniya nakapasok agad ang mga kawani ng BFP dahil sa higpit ng pagkaka-lock ng bahay ng lola na kinailangan pang buksan ng puwersahan bago nakapasok.

Sinabi ni Pagalilauan na sa pagsisiyasat ng BFP Buguey ay inatayang aabot sa P50k ang kabuuang pinsalang iniwan ng sunog sa bahay ng biktima.