LA UNION – Isang Locally Stranded Individual (LSI) ang pinakahuling nagpositibo sa COVID 19 dito sa lalawigan ng La Union.
Ito’y matapos kumpirmahin ng DOH CHD1 at base sa official statement ng Provincial Gov’t. of La Union.
Inako din ni San Gabriel Mayor Herminigildo Velasco ang naitalang unang kaso ng Covid-19 sa kanilang bayan, na isang 43- anyos na lalaki ng Brgy. Bayabas, San Gabriel at nagtrabaho bilang construction worker sa Mandaluyong City, Metro Manila.
Ayon sa impormasyon, nagrenta umano ito ng van para makauwi dito sa La Union mula sa Maynila noong July 26 kasama ang dalawa pang indibidwal na umuwi naman sa karatig bayan.
Gayunman, nilinaw ng mga kinauukulan na hindi pa nakapasok ang naturang pasyente sa bayan San Gabriel dahil agad isinailalim sa Provincial Isolation Facility (Home of Hope) dito sa lungsod ng San Fernando, matapos magpositibo sa covid 19.
Bahagi ng mga ipinapatupad na safety protocols para maiwasan ang paglaganap ng covid 19, ay ang pagsasailalim sa swab test ng mga pumapasok na LSIs dito sa lalawigan, bago payagang makauwi sa kanilang pamilya kung mag-negatibo sa swab test.
Sa ngayon, kumilos na ang contact tracing team para alamin kung sino ang dalawang indibiduwal na kasama ng pasyente sa sinakyan nilang van.
Ang lalawigan ng La Union, ay mayroon nang 76 total COVID 19 cases kabilang na dito ang 37 active cases.