CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang magsasaka matapos na pagtatagain ng kanyang manugang sa Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang biktima na si Avelino Maga-ao Remedios, 75-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Agbanawag, Tabuk City, Kalinga habang ang suspek ay si Reynaldo Abubo.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang biktima at ang apo nito kasama ang suspek ay nag-inuman sa bahay ng pinaghihinalaan.
Matapos nito ay umuwi ang biktima at nang makarating sa tapat ng kanyang bahay ay napansin niyang may sumusunod sa kanya at babalik na sana siya ngunit bigla siyang tinaga ng suspek sa kaliwang bahagi ng kanyang tainga at kaliwang kamay.
Sinubukang pakalmahin ni Michael Bawanta ang suspek subalit tinaga rin siya sa kanyang siko.
Agad namang dinala sa Kalinga provincial hospital ang biktima para malapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan ay nasa Tabuk City Police Station na ang pinaghihinalaan para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.