-- Advertisements --
laptop

Inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na lubos siyang sumasang-ayon sa rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee na nag-imbestiga sa umano’y overpriced at outdated na mga laptop na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) na tanggalin na ang PS-DBM.

Kinwestiyon ni Pimentel ang executive branch kung bakit aniya ang tagal pag-ukulan ng pansin ang PS-DBM na tuluyan na itong i-abolish. 

Giit pa ng mambabatas, kinakailangan pa raw ba lumikha aniya ng isang batas upang ipawalang-bisa ang panukalang ito sa pagbuo o pagtanggal ng PS-DBM.

“May I know why it has taken this long for the executive branch to grant or pay attention to this call to abolish the PS-DBM? is the PS-DBM a creation of law? Ani Pimentel.

Ayon naman kay Blue Ribbon Committee chairperson Francis “Tol” Tolentino, ang Procurement Service of the Department of Budget ay binuo sa pamamagitan ng batas. 

Aniya, nilikha ang PS-DBM noong panahon na pinahintulutan ang Pangulo na maglabas ng mga presidential decrees at letter of instructions. 

Batay sa kanyang pananaliksik, sinabi ni Pimentel, ang PS-DBM ay nilikha sa letter of instructions noon ni dating President Ferdinand Marcos Sr.

Ang PS-DBM, na pangunahing inatasang magpatakbo ng isang sentralisadong sistema ng pagbili para sa mga karaniwang kagamitan sa opisina at kagamitan para sa mga ahensya ng gobyerno, ay naging mainit na usapin ng pagsisiyasat sa Senado sa procurement contracts para sa mga medikal supplies at mga computer. 

Bagama’t ang PS-DBM ay nagpapatakbo sa sarili nitong kita, sinabi ni Tolentino na “ang ahensya, sa loob ng ilang taon na, ay nabahiran ng mga kontrobersya sa pagganap ng kanyang mandato.”

Sa ilalim ng panukalang batas, na i-abolish ang PS-DBM, ang pagbili ng mga gamit ay babalik sa iba’t ibang departamento ng gobyerno, bureaus, at iba pang tanggapan, at mga local government units.