-- Advertisements --

Iginiit ng isang mambabatas na hindi credible ang mga dahilan ng ilang kapwa nito mambabatas na nagsusulong na suspendihin ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na inisyal na itinakdang ganapin sa Disyembre 5 ngayong taon.

Pinasinungalingan ni Albay First District Rep. Edcel Lagman ang dahilan ng ilang mambabatas mula sa Senado at House of Representatives na makakatipid ang gobyerno ng P7 billion hanggang P8 billion kung maililipat ang halalan sa Disyembre ng taong 2023 kung saan ang nakalaang pera ay maaaring magamit para sa COVID-19 response ng gobyerno.

Ang kadahilanan aniyang ito ay unconstitutional dahil may fiscal autonomy ang Commission on Elections (Comelec) kung saan kabilang dito ang pagbabawal na anumang appropriations na inilabas ng poll body ay hindi maaaring kontrahin ng ehekutibo at gamitin sa ibang bagay. Ang nalalabing hindi nagamit na pondo aniya ay patuloy na nakalaan sa ilalim lamang ng hurisdiksyon ng Comelec.

Kinontra din ng mambabatas ang argumento na ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay ng oras sa poll body para makapagpahinga matapos ang pagsasagawa ng national elections noong nakalipas na buwan ng Mayo dahil makailang ulit na rin aniyang sinabi ng Comelec na nakahanda ito para sa pagsasagawa ng barangay at SK elections ngayong taon.

Giit pa ni Lagman na ang pagsuspendi sa halalan ay bukod sa hadlang ito sa demokratikong pagboto ng mamamayan ay maaring ito ay mas magastos pa.

Una ng inihayag ni Comelec Chairman George Garcia sa mga mambabatas na ang pagpapaliban ng BSKE ay mangangailangan ng karagdagang pondo na nasa P18.358 billion.