Suportado ni Senador Alan Peter Cayetano ang ipinapanukalang pag-ratify o pagpirma ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na magpapaluwag sa palitan ng mga produkto at serbisyo ng 15 bansa.
Sa manifestation niya pagkatapos ng isinagawang report ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa plenary session tinawag ni Cayetano na “very good” at “very important” ang kasunduan.
Ang RCEP ay isang kasunduan sa pagitan ng mga bansang miyembro ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) kasama ang Japan, South Korea, China, New Zealand, at Australia.
Sa ilalim nito, luluwagan ng mga bansang kasali ang kani-kanilang patakaran sa kalakalan at bababaan o aalisin ang buwis na ipinapataw sa mga produkto, serbisyo, investment, at e-commerce mula sa labas.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), aabot sa $2 bilyon ang pwedeng kitain ng Pilipinas sa pamamagitan ng nasabing kasunduan pagsapit ng 2030.
Sa kabila nito, ang Pilipinas pati na ang Myanmar ay hindi pa nara-ratipikahan ang kasunduan.
Bagama’t naniniwala si Cayetano na makatutulong ang RCEP sa ekonomiya ng Pilipinas, hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na samantalahin na ang pagkakataon na ipasa at pondohan ang mga capacity-building programs pati na mga safety net o mga programang magbibigay ng proteksyon at sasalo sa pangangailangan ng mga sektor na maaapektuhan ng kasunduan.
Pinuri rin ni Cayetano ang “comprehensive” at “articulate” na report ni Zubiri tungkol sa RCEP, pati na ang “full-force” na pagdalo ng mga myembro ng gabinete ng administrasyong Marcos sa ginanap na Senate session.
Bahagi ng legislative agenda ni Cayetano ang pagpasa ng mga batas na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino at magpapalakas sa mga small at medium enterprise lalo ngayong bumabangon na ang bansa mula sa epekto ng pandemya.