-- Advertisements --

NAGA CITY- Patay at naputulan pa ng paa ang isang pedicab driver at mangangalakal matapos na mabangga ng isang kotse sa Magarao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Leonardo Catipon, 59-anyos at residente ng Zone 1 San Francisco, Bombon, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Executive Master Sergeant (PEMS) Emmanuel Borromeo, Municipal Executive Senior Police Officer (MESPO), sinabi nito na bandang alas-2:35 ng madaling araw kahapon, nang mangyari ang aksidente sa Brgy. Sto. Tomas sa nasabing bayan.

Aniya, pauwi na sana ang biktima gamit ang minamaneho nitong pedicab ng aksidente itong mabangga ng isang Mitsubishi Mirage na minamaneho naman ng suspek na isang 19-anyos at residente ng Dinaga, Canaman, sa nasabing lalawigan, na kakain lamang naman sana sa isang gotohan sa lugar.

Samantala, agad naman sanang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit sa kasamaang palad, tuluyan rin itong binawian ng buhay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Kaugnay nito, nagpaalala naman ang opisyal sa mga pedicab at tricycle driver hinggil sa kanilang ordinansa na bawal ang mga ito na dumaan sa National Highway.