-- Advertisements --

NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang isang lalaki sa isang fishport sa Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Jason Gumahob, 27-anyos, residente ng Purok-4, Barangay Malasugui, Labo sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Station (CNPPO), nabatid na nakatanggap na lamang ng report ang mga otoridad mula sa isang empleyado ng LGU Paracale kaugnay sa nasabing insidente at agad namang rumesponde ang mga otoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang aksidenteng nalunod ang biktima sa Malasugui River.

Una rito, nabatid na naiulat rin umano itong nawawala simula pa noong Marso 26, 2021.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang pagtukoy kung ano ang ikinamatay ng biktima.