Napatay ng mga tropa ng militar ang isang miyembro ng NPA habang isa naman ang kanilang nahuli matapos ang naging engkwentro nito sa mga tropa ng 19th Infantry “Commando” Battalion, 8th Infantry “Stormtroopers” Division ng Philippine Army.
Naganap ang sagupaan ng dalawang grupo sa Barangay Osmeña, Las Navas, Northern Samar, kahapon.
Kinilala ng mga militar ang mga nasawing sina Adel Cabides alias Hipolito at ang sugatan na si Jessie Robinacio alias Tadok.
Sila ay kabilang umano sa Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU), Sub-Regional Committee (SRC) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee na siya namang pinamumunuan ni Mario Sevillano, alias Durok.
Narekober ng mga otoridad mula sa pag-aari ng dalawang terorista ang dalawang M-16 rifle sa mismong encounter site.
Tumagal din ng higit 20 minuto ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo.
Kinilala naman ni 8th Infantry Division Commander Major General Camilo Ligayo ang ipinamalas na galing ng mga tropa dahil sa kanilang matagumpay na operasyon.
Nagpaabot rin ito ng pakikiramay sa pamilya ng mga napatay na NPA sa engkwentro.