DAGUPAN CITY — Arestado ang isang motorista matapos itong atakihin at sakalin ang isang pulis sa Barangay Mabilao, San Fabian.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Michael Datuin, Officer-in-Charge ng San Fabian Police Station, kinilala ang suspek na si Delbryhn Cacho y Arconado, 38 anyos, may asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Mabilao, San Fabian, Pangasinan; habang kinalala naman ang biktima na si PCpl Pharaon Monses y Ymasa, 33 taong gulang, may asawa, miyembro ng PNP ng San Fabian PS, at residente ng Brgy. Binday, San Fabian, Pangasinan.
Lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na minamaneho ng suspek ang kanyang Black Motor plus 150 motorized tricycle (garong) na may plate number 8112ZQ at binabaybay ang direksyong silangan sa unahan ng biktima sakay ng kanyang Red Honda CRV, na may plate number na XHL 224.
Pagdating sa lugar ng insidente nang walang dahilan ay pinahinto ng suspek ang minamanehong sasakyan sa gitna ng kalsada. Kaya naman, dalawang beses na bumusina ang biktima ng kanyang sasakyan upang bigyan ng babala ang nasabing motor na gumalaw na nagdudulot na ng traffic.
Gayunman, sumakay ang suspek sa kanyang minamanehong sasakyan at sa galit na paraan ay dumiretso sa biktima at kinumpronta ito. Nagpakilala ang biktima bilang isang pulis na nakatalaga sa naturang munisipyo, subalit nagawa pa rin ng suspek sna sunggaban at pagtangkaang sakalin ang biktima habang nasa loob ito ng kanyang sasakyan.
Pinatahimik sila ng mga taong nakasaksi sa nasabing insidente, subalit, makalipas ang ilang minuto, mabilis na inatake ng suspek ang biktima hanggang sa nakipagbuno ang dalawa. Napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang suspek ayon sa pag-verify ng attending physician ng Mapandan.
Dinala ang suspek sa San Fabian PS kung saan ay nahaharap naman ito sa mga kaukulang disposisyon na inihahanda ng nasabing kapulisan para sa pagsasampa sa korte.