-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagsasagawa ng donation drive ang Pugad Lawin – Ilocos Norte Chapter na isang Non-Government Organization para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo na tumama sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Engr. Neil Jose, magsisimula na silang mangolekta ngayong araw sa mga donasyon na ipapadala nila sa Cagayan sa Miyerkules, Nobyembre 20.

Sabi niya na ang pangunahing tulong na kailangang ipadala sa Cagayan ay pagkain, tubig, hardware materials at iba pa.

Nakiusap din aniya sila sa mga kinauukulang barangay officials sa iba’t ibang barangay sa buong lalawigan na himukin ang kanilang mga residente na mag-donate ngayon ng mga pangunahing pangangailangan para sa mga residente sa Cagayan.

Paliwanag niya, kung sila ay nakatanggap ng mga donasyon, maaari silang tumawag sa kanila para sila mismo ang kumuha sa mga donasyon sa kanilang barangay.

Dagdag pa niya, ang mga naipong tulong ay maipapadala sa mga bayan ng Santa Ana, Gonzaga, Buguey at Baggao na dumanas ng pinakamatinding epekto sa mga nagdaang bagyo.

Ang donation drive ay pinamagatang Bangon Cagayanos, Bangon Cagayan.

Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa sila ng donation drive sa Cagayan dahil nagkaroon na sila ng mga naunang donation drive noong mga nakaraang taon.