-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagsagawa ng gift giving program ang Pugad Lawin sa pamumuno ni Engr. Neil Jose sa mga cancer patients sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center (MMMH) sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay Jose, layunin ng kanilang grupo na makapagbigay ng kaunting saya sa mga cancer patients lalo na sa mga bata.

Sinabi niya na ang programa ng pagbibigay ng regalo ng grupo ay nagsimula pa noong 2008.

Ipinaliwanag niya na noong una ay kakaunti at limitado ang mga serbisyong ibinibigay sa mga pasyente ng cancer ngunit ngayon ay nagbibigay na rin sila ng tulong sa mga matatandang pasyente.

Ang 60 pasyente ay tumanggap ng iba’t ibang regalo tulad ng prutas, damit, laruan at natupad din ang wish list ng mga bata habang ang mga matatanda ay binigyan ng cash.

Ang pinakabatang pasyente ng cancer na kanilang natulungan ay isang anim na buwang sanggol.

Kaugnay nito, sinabi ni Jose na sa Disyembre 31 ay magkakaroon muli sila ng gift giving.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga tumanggap ng mga regalo sa buong grupo ng Pugad Lawin at umaasa na magpapatuloy ang kanilang pagsisikap.