Kinilala at binigyan ng parangal ng Philippine Embassy sa South Korea ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) dahil sa ipinamalas niyang kabayanihan.
Ito ay matapos iligtas ni Monico Caranay, na isang factory worker, ang buhay ng kaniyang kasamahang Koreano na aksidenteng nahulog sa malaking press machine sa Busan.
Mabilis umanong umaksyon si Caranay at kaagad na pinindot ang switch upang mapatay ang nasabing makina, na siyang nagligtas sa buhay ng kaniyang kasama.
Ayon kay Jaebin Cho, lubos siyang nagpapasalamat sa mga Pinoy lalong lalo na kay Caranay dahil sa pagliligtas at sa pagpapakita ng kabayanihan nito sakanya.
Kung matatandaan, si Caranay ay pumunta sa Korea noong 2015 at ngayo’y naninirahan na sa naturang bansa bilang isang pastor kasama ang kaniyang dalawang anak na pareho ring OFW.