LAOAG CITY – Kumpirmadong kasama sa libu-libong tao ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na namatay sa magnitude 7.8 na lindol sa Turkey at Syria.
Ito ang sinabi ni Bombo International News Correspondent (BINC) Ghie Gonzales sa Ankara, Turkey.
Kwento ni Gonzales, ang nasabing Overseas Filipino Worker ay mula sa Baguio City na naninilbihan bilang kasambahay sa Turkey.
Batay sa inisyal na impormasiyon nila, nakaligtas sa lindol ang amo na babae at inaalagaang bata ng nasabing Overseas Filipino Worker ngunit sa kasawiang palad ay namatay ito kasama ang amo niyang lalaki.
Sinabi niya na maliban sa namatay ay may mga ilan pang Overseas Filipino Workers sa Turkey ang patuloy na hinahanap dahil sa pagguho ng mga bahay at gusali dulot ng malakas na lindol.
Samantala, inihayag ni Gonzales na sa ngayon ay gumagawa sila ng paraan upang makalikom at matulungan ang mga kapwa Pilipino na naapektuhan sa nangyaring lindol sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing kailangan ng mga biktima ng sakuna tulad ng pagkain, damit at iba pa.
Magugunita na umakyat na sa humigit 10 libong katao ang natagpuang patay habang libu-libo naman ang nananatiling nawawala dahil sa malakas na lindol sa Turkey.