DAVAO CITY – Nakilahok si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa taunang Brigada Eskwela sa Governor Vicente Duterte National High School sa Talomo, Davao City kahapon, Agosto 15.
Kasama ang mga tauhan ng DepEd 11 at iba pang ahensya, pinangunahan ng bise ang paglilinis at pagsasaayos ng mga silid-aralan bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase para sa taong akademiko 2023-2024.
Binigyang-diin ni VP Sara ang layunin ng pagkakaroon ng malinis at maayos na paaralan para sa pag-aaral ng mga estudyante, at ang panawagan para sa diwa ng Bayanihan ng mga Pilipinong handang tumulong sa paghahanda ng mga paaralan para sa darating na Balik Eskwela ngayong Agosto 29.
Matatandaang pinangunahan ni VP Sara ang paglulunsad ng bagong Matatag Curriculum ng Department of Education na nakatakdang ilunsad sa susunod na taong akademiko 2024-2025 kung saan layunin nitong palakasin pa ang literacy at mathematical skills ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 10 Levels at inaasahang makakaangkop sa international pamantayan ang sektor ng edukasyon sa bansa.