-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Correspondent Manny Pascua sa Hawaii na kabilang sa umano’y nawawalang Pilipino ang isang mag-anak na tubo dito sa Ilocos Norte.

Ayon kay Pascua, hanggang ngayon ay nawawala pa rin ang mag-asawa kabilang ang kanilang isang anak na tubo sa bayan ng Marcos, at ang isang tatlong buwang sanggol ay naihiwalay naman sa kanyang ina matapos umanong tangkain ng ina na tumalon sa dagat.

Maliban dito, may mga Ilokano rin at tubo sa bayan ng Piddig ang nawalan ng bahay matapos matupok ng apoy.

Hinggil dito, sinabi ni Pascua na naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa nasabing isla at aabot sa isang libong hotel and resorts rooms ang kinuha ng Maui County at State of Hawaii at dito muna maninirahan ang mga residente kabilang na ang mga Pilipinong nawalan ng bahay.

Maliban dito ay nagsimula na rin ang operasyon ng mga bangka na may biyaheng Lahaina patungong Lanai.

Sa pagbisita aniya kahapon ni Gov. Josh Green sa Lahaina, Maui ay inihayag nitong posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga namatay at sa susunod na mga araw ay mas mahirap na sitwasyon ang kanilang kakaharapin.

Ganunpaman, inaasahan umano ng gobernador na mabilis ang pagrekober ng mismong isla at mga tao.

Samantala, dagdag pa ni Pascua na sa ngayon ay piling mga tao lamang umano ang pinapasok sa mismong lugar at isinara muna ang kalsada patungo dito.