-- Advertisements --

Maugong na pinag-usapan nitong weekend sa social media ang video ng paghalughog ng security personnel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa bag ng isang pasaherong senior citizen na naglalaman umano ng bala.

Inakusahan naman ng pasahero ang security personnel na tinangkang biktimahin siya ng umano’y “tanim-bala” modus na muntikan ng ma-miss ang kaniyang flight patungong Vietnam.

Sa isang post online, ibinahagi ni Ruth Adel ang nangyari sa paliparan habang nasa boarding gate na sila ng kaniyang pamilya noong Marso 6. Aniya, lumapit sa kaniya ang tauhan ng Office of Transport Security ng Department of Transportation at sinabing may nakita umanong “anting-anting” sa kaniyang bagahe.

Tinanong naman nito kung anong bala ang hinahanap, sagot ng security officer habang tumatawa na may na-detect umano ang X-ray scanners na isang basyo ng bala sa kaniyang bagahe.

Ayon kay Adel, akala niya ay pina-prank lang siya dahil napaka-casual lang ng pagkakasabi ng security officer subalit nang itanggi niya ang alegasyon, hiniling sa kaniya na dalhin ang kaniyang bahage para ma-inspeksiyon on the spot at pinasasama din siya.

Tumanggi naman si Adel at kaniyang pamilya dahil nagsimula ng magpasakay ang eroplano para sa kanilang flight papuntang Vietnam at ayaw nilang maiwanan.

Sinabi din nito na walang lamang susi ang kaniyang bag gaya ng ipinapakita ng security personnel na larawan mula sa X-ray scan.

Nagtanong din ang kasama nito kung sila ba talaga ang nakitaan na may bala sa bagahe.

Subalit ng i-check na mismo ng security personnel at i-double check ng may-ari ang bag, walang nahanap na bala sa kaniyang bagahe.

Matatandaan na nauna ng lumutang ang insidente ng tanim bala sa NAIA noong taong 2012 at nagresulta ng samu’t saring batikos at hindi magandang imahe sa paliparan sa mga sumunod na taon na nangyari sa ilalim noon ng administrasyon ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III.

Subalit noong 2016, ipinag-utos ng kaniyang successor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Transportation na kumpiskahin at itala na lamang ang mga makikitang bala mula sa mga pasahero at payagan sila sa kanilang flight nang hindi maantala ang kanilang flight.