-- Advertisements --
image 59

Patay na ang isa pang person of interest na natukoy ng pulisya sa kaso ng pagkasawi ng estudyanteng si John Matthew Salilig nang dahil sa hazing.

Ito ang kinumpirma ng Biñan City Police Office sa gitna nang nagpapatuloy na paggulong ng kaso ni Salilig.

Ayon kay Biñan City Chief of Police, PLTCOL. Virgilio Japio, noong Pebrero 28, 2023 pa umano nasawi ang person of interest na kinilala ng pulisya sa alyas na “Sakmal” nang magbigti ito ng sarili nang dahil umano sa matinding konsensya dulot ng nangyaring karumaldumal na krimen.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, si Sakmal ay ang nagsilbing driver ng Sports Utility Vehicle (SUV) na ginamit ng mga fraternity members na dawit din sa nasabing hazing na sasakyang ginamit din sa paghahatid sa biktima kung saan din siya nalagutan ng hininga.

Nabatid na dito siya unang isinakay ng iba pang mga persons of interest bago tuluyang ilibing ng mga ito ang kaniyang mga labi sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite.

Kung maaalala, una nang narekober ng pulisya ang nasabing SUV sa Taguig City kasabay ng paghahalughog sa bahay ng isa pang person of interest sa naturang kaso sa bisa ng search warrant.

Agad isinailalim ng mga otoridad ang nasabing sasakyan sa forensic examination sa pag-asang may mapipiga pang ebidensya ang pulisya para sa paglutas sa kasong pagkamatay ni Salilig.