Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pilipino ang kabilang sa nasawi sa malawakang wildfires sa Maui island sa Hawaii.
Tinukoy ang nasawing Pinoy na 79 anyos na si Alfredo Galinato na isang naturalized US citizen na tubong Ilocos region.
Ayon pa sa ahensiya, tinutulungan na ng Konsulada ng Pilipinas sa Honolulu ang pamilya ng biktima na nasa Hawaii.
Una rito, kabilang sa isa sa mga unang biktima na natukoy ng Maui county authorities si Galinato.
Ayon kay DFA Undersercretary Eduardo De Vega, base sa PH consul general, wala sa passport/dual citizenship database si Galinato. Posible aniyang nag-renew ito ng pasaporte o muling kumuha sa ibang lugar kayat magsasagawa sila ng pananaliksik ukol dito.
Posible din aniya na mula sa Latino heritage si Galinato.
Ayon sa inilabas na data ng Maui County, nasa 111 katao na ang nakumpirmang nasawi sa wildfires at nagbabala ang mga awtoridad na posibleng madagdagan pa ang naturang bilang.