Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ngayong Biyernes, Enero 31 na isang Pilipino ang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring collision ng isang American passenger jet at US military helicopter malapit sa Reagan airport sa Amerika noong gabi ng Miyerkules, Enero 29.
Samantala, kinumpirma na ng Philippine National Police ang pagkakakilanlan ng nasawing Pilipino sa insidente.
Sa isang press conference ngayong araw, tinukoy ni PNP Spokesperson Lt. Col. Randulf Tuano ang nasawing Pilipino na si PNP chief of Supply Mangement Division PCol. Pergentino Malabed Jr. na nasa official travel para sa pre-delivery inspection ng mahigit 2,000 units ng all-purpose vests.
Wala pa namang inilalabas sa ngayon na pahayag o kumpirmasyon ang Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C. kaugnay sa pagkasawi ng isang Pilipino.
Nauna na ngang kinumpirma ni US President Donald Trump ngayong araw na walang survivor o nasawi ang lahat ng 67 katao na sakay ng dalawang sasakyang panghimpapawid.
Ito naman ang itinuturing ng deadliest US air disaster sa loob ng mahigit 20 taon.
Sa ngayon hindi pa inilalabas ang mga pangalan ng iba pang mga nasawi habang base sa ilang report, ilang promising young figure skaters at personalidad ang lulan ng passenger plane mula sa Kansas.