Ipinag-utos na ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan sa Coast Guard personnel ng BRP Sindangan (MRRV-4407) na magsagawa ng search and rescue (SAR) operation para sa nawawalang mangingisdang Pilipino sa karagatan 62 nautical miles timog-silangan ng Sampaloc Point, Subic, Zambales.
Ito ay matapos lumubog ang bangkang FBCA John Robert sakay ang magkapatid na sina Robert at Jose Mondoñedo na naroon sa lugar noon para sa kanilang payao na ginamit sa panghuli ng isda.
Tinawag ng PCG ang insidente bilang allision, kapag ang isang stationary o nakatigil na bangka ay tinamaan ng isang moving vessel.
Batay kay PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, nabangga ng hindi pa natutukoy na sasakyang-dagat ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda na naging sanhi ng paglubog nito.
Ang 47-anyos na si Robert Mondoñedo ay nakaligtas sa insidente ngunit ang kanyang kapatid na si Jose Mondoñedo ay nananatiling nawawala.
Isinalaysay naman ni Robert Mondoñedo na nangyari ang insidente bandang alas-3 ng hapon noong Hulyo 3, 2024.
Tatlong araw aniya siyang nakahawak sa kanilang payao hanggang sa dumaan ang Fbca Irish Mae sa kaniyang kinaroroonan at nailigtas siya bandang 8AM noong Hulyo 6.
Dumating ang Fbca Irish Mae sa Barangay Wawandaue bandang 6:30PM.
Ibinahagi naman ng tagapagsalita ng PCG na ang Coast Guard Station (CGS) Zambales ay agad na nagbigay ng abiso sa mga marinero, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga karatig barangay at lokal na mangingisda sakaling mamataan ang nawawalang mangingisda.
Alinsunod naman sa direktiba ni CG Admiral Gavan, ang CGS Zambales ay nag-iimbestiga na sa naganap na allision at nangangalap ng karagdagang impormasyon tungkol sa insidente para sa kaukulang mga hakbang.