Kinumpirma ngayong araw ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkasawi ng isang Pinay overseas worker na nakabase sa Kuwait.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, ang migrant worker ay natagpuan nakabigti at may hiwa sa kaniyang pulso sa loob ng kaniyang kuwarto sa Al-Salam Area, Kuwait City noong Marso 14.
Nakilala ang OFW na si Gladys Olarte Fong.
Nadiskubre ang katawan ng Pinay ng pwersahang pinasok ng mga pulis ang kaniyang kwarto matapos na mapaulat na hindi ito lumalabas simula ng umaga ng araw na iyon,
Lumalabas sa paunang report na suicide ang sanhi ng pagkamatay ng Pinay.
Subalit ayon sa DFA kanilang aantayin ang resulta ng forensic examination.
Ayon sa kasalukuyang datos ng pamahalaan nasa kabuuang 241,000 overseas Filipino workers (OFW) ang nasa Kuwait.
Tiniyak naman ng kagawaran na maigting na minomonitor ng Philippine Embassy sa Kuwait ang naturang kaso.