Nakabalik na sa Pilipinas si Gelienor “Jimmy” Pacheco, isa sa mga na hostage ng militanteng grupong Hamas sa Gaza.
Si Pacheco ay dumating sa Pilipinas kaninag umaga sa Ninoy Aquino International Airport kung saan sinalubong ito ng kanyang pamilya, Israeli Ambassador Ilan Fluss at mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration at ng Deaprtment of Migarnt Workers at Foreign Affairs.
Matatandaan na si Pacheco, na isang caregiver, ay dinukot sa panahon ng pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7.
Sa kwento ni Pacheco, inilahad niya ang kanyang karanasan sa pag atake ng Hamas, pati na rin ang pagpatay sa kanyang amo doon sa naturang bansa.
Aniya, kahit pa sinabihan siya noon ng kanyang amo o alaga na iligtas na ang kanyang sarili at hayaan na ito, pinili pa rin niyang manatili hanggang sa walang awa aniya itong pinaslang ng militanteng grupo at saka naman siya hinostage.
Tiniyak naman ng DMW na gagawin nila ang iniatas ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr na pangmatagalang tulong para kay Pacheco at sa pamilya nito gaya nalamang ng pangkabuhayan at empleyo para sa pamilya ng naturang OFW.
Dagdag dito, ang gobyerno ng Israel ay magbibigay kay Pacheco at sa kanyang pamilya ng panghabambuhay na social security benefits at mga regular stipend katulad ng ibinigay sa mga Israeli na biktima ng mga pag-atake ng mga terorista.
Ayon naman kay OWWA administrator Arnell Ignacio, sa pag uusap nila ni Pacheco, nais pa rin daw nitong bumalik sa Israel para magtrabaho sa oras na humupa na ang tensyon.
Patuloy pa rin ang isinasagawang panawagan ng iba’t-ibang bansa para sa isang tigil-putukan sa Israel at Hamas.