CAUAYAN CITY – Bagsak ang gradong ibinigay ng isang political analyst sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi niya na bagamat maayos ang paghahayag ng pangulo sa mga nagampanan nito sa unang isang taon sa posisyon ay maraming mahahalagang bagay ang hindi nito nabanggit sa kaniyang SONA.
Aniya ang performance report ng pangulo ay punong-puno ng magagandang balita subalit hindi ito ang inaasahang SONA alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon.
Paliwanag niya na ang SONA ay hindi tulad ng Performance report na ginagamit upang magbuhat ng sariling bangko sa halip ay isang battle plan sa pamamagitan ng kolaborasyon ng punong ehekutibo at Legislative o mga mambabatas upang magpasa ng mga batas na sa tingin nila ay makakatulong sa bansa.
Dagdag pa ni Atty. Yusingco na dapat ay hindi lamang sa SONA natatalakay ng pangulo ang ilang mga mahahalagang bagay o mga ulat na nararapat malaman ng taumbayan.
Para kay Atty. Yusingco, nakukulangan siya sa nilalaman ng talumpati ng pangulo dahil napahapyawan lamang nito ang mga pinakaimportante at adhikain ng kanyang administrasyon.