Robbery with intimidation of person ang isinampa sa Caloocan City regional trial court (RTC) laban sa isang police seargeant na inaresto matapos tumanggap ng P30,000 mula sa kapatid ng nahuli na suspek sa illegal drugs trading.
Kinilala ng Department of Justice (DOJ) ang kinasuhan na pulis na si PSSG Andro C. Centeno na nakatalaga sa Amparo Police Sub-Station sa Caloocan City.
Sinabi ng DOJ na naaresto si Centeno noong Hunyo 24 sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement (PNP-IMEG).
Sinabi nito na si Centeno ay nahuling tumatanggap ng P30,000 mula sa isang babae na hiningan niya ng bayad para sa pagpapalaya sa kanyang kapatid na naaresto dahil sa kasong droga.
Sinabi rin nito na sinubukang tumakas ni Centeno ngunit kalaunan ay nahuli ng mga operatiba ng PNP-IMEG malapit na condominium. Inirekomenda ang P100,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Centeno.