-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patuloy na iniaalam ng pulisya sa Monkayo, Davao de Oro ang motibo at kung sino ang responsable sa pamamaril-patay sa isang pulis kahapon sa National Highway, Brgy. Bamlag, Monkayo​​​​ sa Davao de Oro.

Una ng kinilala ang biktima na si Police Master Sergeant Rey Binalangbang, nakatalaga sa Davao De Oro Police Provincial Office (Supply Section) at residente ng Montevista sa nasabing probinsya.

Nabatid na dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang responsable sa pagpatay sa biktima.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Montevista ang biktima at papunta ito sa Monkayo.

Ngunit pagdating sa lugar na pinangyarihan ng insidente, bumaba ang pulis sa minamaneho niyang pick-up para umihi at di inaasahang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima sa loob ng ilang beses.

Sinubukang dalhin ang biktima sa Davao De Oro Provincial Hospital Montevista ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor.