KALIBO, Aklan — Arestado ang siyam na personalidad kasama ang kanilang punong barangay sa ilegal na sabong sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Brgy. Medina, Madalag, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Jason Mausig, hepe ng Madalag Municipal Police Station na dakong ala-1:15 ng hapon nang naaresto ang mga suspek na aktong naglalaro ng ilegal na sabong sa naturang lugar sa isinagawang anti-illegal gambling operation.
Nakumpiska sa lugar ang 18 buhay na manok panabong, tatlong patay na manok panabong, mga paraphernalia at bet money na nagkakahalaga ng nasa P550.
Isang impormante umano ang nagsumbong sa pulisya na may nangyayaring ilegal na sabong na agad na inaksyunan ng mga awtoridad.
Sa mahigit 200 katao sa lugar, walo lamang ang naaresto kung saan ang pinakamatanda ay may edad 74 at ang pinakabata ay 46 anyos.
Dahil nakita ang presensiya ng 36 anyos na punong barangay sa lugar, inaresto ito sa kanilang bahay mga 500 hanggang 700 metros ang layo mula sa lugar.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling Law, subalit nabasura dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Sa kabila nito, kinumpirma ni P/Capt Mausig na naghihintay sila ngayon ng utos mula sa piskalya para sa muling pagsasampa ng kaso.
Nabatid na kamakailan lamang ay nagsara ang cockpit arena sa lugar dahil sa kawalan ng permit to operate.