LAOAG CITY – Pinarangalan ng Young Communicators’ Circle, isang organisasyon ng mga estudyante na may kursong Communication Arts sa Mariano Marcos State University ang isa sa mga Reporter ng Bombo Radyo Laoag na si Bombo Jay Agnir bilang Best Local AM Radio Personality sa buong lalawigan ng Ilocos Norte sa ikalawang Aweng Awards.
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Prof. Brett Andrew Rikke Bungcayao, Co-Adviser ng Young Communicators’ Circle, may mga criteria ang nasunod sa pagpili ng Best Local AM Radio Personality at mahigpit na sinalang ng Selection Committee.
Aniya, kabilang dito ang creativity, clarity ng pagpapahayag at mga mensahe kasama ng pagkilala sa radyo bilang medium sa pagbabalita.
Ayon sa kanya na mula sa halos 200 na estudyante ng Communication program ay si Bombo Jay ang nakakuha ng pinakamataas na puntos kumpara sa mga tatlong batikang mamamahayag na nakatunggali nito mula sa iba’t ibang media organizations.
Dagdag pa niya na planong mapalawak ang sakop ng Aweng Awards kung saan naikokonsidera ang nationwide awarding upang mabigyan ng parangal ang mga media practioners, platforms at personalities sa buong bansa.
Kaugnay nito, ang Aweng Awards ang tanging university-based award-giving body sa buong Ilocos Region na nagbibigay ng pagkilala sa mga media personalities, radio stations at news pages.
Samantala, si Bombo Jay Agnir ang ikalawang Reporter ng Bombo Radyo Laoag na naparangalan bilang Best Local AM Radio Personality sa buong lalawigan ng Ilocos Norte matapos makuha ni Bombo Romnick Quimoyog ang nasabing parangal noong nakaraang taon.