-- Advertisements --
image 447

Kinuwestiyon ni Senator Chiz Escudero kung bakit wala pang naisasampang kaso ang Bureau of Customs laban sa mga nagpupuslit at nagtatago ng bigas sa kabila pa ng ilang serye ng raid na isinagawa sa mga bodega sa nakalipas na linggo.

Sinabi ng Senador na dapat na sampahan agad ng kaso ang mga dapat sampahan at iharap sa korte upang maipakitang determinado talaga ang administrasyon sa kampaiya nito laban sa rice cartels.

Sa ilalim kasi ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, ikinokonsidera ang large-scale smuggling ng agricultural products bilang economic sabotage kung saan sangkot ang umaabot sa ₱1-million ang halaga ng asukal, mais corn, pork, poultry, garlic, onion, carrots, fish, at cruciferous vegetables o minimum na ₱10-million halaga ng bigas.

Maliban sa panawagang agarang paghahain ng kaso laban sa mga hoarder at smuggler ng bigas, sinabi din ni Sen. Escudero na dapat i-update ng pamahalaan ang publiko sa kanilang development kung ano ang gagawin sa nasabat na bigas.

Matatandaan, kamakailan, nasabat ng BOC ang P40 million halaga ng bigas sa 2 bodega, isa sa Pulang Lupa, Las Piñas at ang isa naman sa Bacoor, Cavite.

Kung saan nadiskubre ang nakaimbak na mga bigas mula sa Vietnam, Thailand, at China.