Kinonsulta ni Senador Imee Marcos ang Western Mindanao Command sa Zamboanga Sibugay para buhayin ang napabayaan nang programa ng gobyerno na mapalakas ang sariling kakayahan ng bansa sa national defense.
Inisyatiba ito ng senador sa gitna ng paghahanda ng bansa para sa apat na lugar na bibigyang access ang U.S. military at sa kasunduan para sa mas malakas na kooperasyong pangdepensa sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na dapat nang buhayin muli ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) program na ipinatupad noong 1974 ng kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., para mabawasan ang pagdepende o pagsandig sa mga dayuhan kung saan naiipit tayo sa pamumulitika ng mga superpower.
Aniya, nako-customize na ngayon ng Thailand ang mga riple na mas slim at mas magaan para sa mga sundalo nito, habang ang Vietnam ay kaya nang gumawa ng mga anti-surface warfare missiles.
Noong dekada ’70 at ’80, ang Self-Reliant Defense Posture dagdag pa ng mambabatas, ay gumagawa na ng M-16 rifles, mga bakal na helmet, handheld radio, Jiffy jeeps, granada at mga bala.
Paliwanag pa niya, ang mga Pinoy manufacturer ay gumagamit ng mga lokal na materyales at nakamit naman ang teknikal na kaalaman sa mga imported na parte, habang sinuportahan ng National Science Development Board ang pagsasaliksik at pag-develop ng mga produkto.